Para Kay Sarah

Alam ko na masyado pa akong bata para magsabi ng ganito, ngunit para sa isang babae na aking mahal, ang taong nagbigay ng liwanag sa aking makulimlim na buhay, gusto ko lang sana malaman mo na sobrang nagpapasalamat ako na dumating ka sa buhay ko, Sarah.

Kasing init ng Sahara ang pagmamahal na ipinaramdam mo sa akin. Mga pakiramdam na hindi ko alam na maari ko din palang maramdaman. Sayo ko lang nahanap.

Ngunit mapait ang kapalaran dahil ang bansa natin ay isang mahirap lamang. Kinailangan pumunta sa ibang bansa ng iyong magulang at ‘di rin nagtagal ay ikaw ay sumunod na sakanila.

Ang iyong kulay asul na bahay na araw-araw kong dinadaanan, pagpasok at paguwi galing sa eskwela. Ang inyong aso na si Jobert. At ang inyong hardin na puno ng bulaklak. Ngayon, wala na si Jobert, napalitan na siya ng mga pusa at ang inyong hardin na kadalasang nakikita kong inaayos ng ina mo ay napalitan na ng basketball court para sa mga bata.

Hinihiling ko padin na sa bawat sulyap ko sa bintana ng iyong kwarto ay makikita kitang sumasayaw mag-isa habang nakikinig sa iyong mga paboritong kanta. Sarah, asan kana?

Sana kung nasan ka man ay ikaw ay palaging busog at masaya. Marami kapang taong makikilala at makakasama. Balang-araw siguro tayo ay magkikita din muli. May kanya-kanya ng pinagdaanan. Siguro magkakaroon tayo ng mahabang kwentuhan.

Libre lang nga naman mangarap.

Pero hindi ako mawawalan ng pag-asa kailan man. Dahil ang pag-ibig ko sayo ay hindi mapapaso. Sarah, naiisip mo din ba ako?

Sa bawat patak ng luha sa aking kwaderno habang isinusulat ko ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Iniisip ko padin ang mga alaala na ating nabuo.

Sana mayroon akong maraming pera. Upang makalipad ako kung nasan ka man. Dahil oras-oras kitang naiisip. Nararamdaman. At nakikita.

Leave a Comment