Kaya Kitang Abutin
by: Talumpati.info
Bago ko maisulat ang isang talumpati tungkol sa ambisyon, kailangan kong tanungin muna ang aking sarili kung ano nga ba talaga ang ambisyon. Ano ang dahilan kung bakit ang mga tao ay nagiging ambisyoso, at ano ang mga pakinabang at disbentaha ng pagiging ambisyosong tao?
Sa una, dapat kong aminin na medyo mahirap maunawaan ito. Ngunit natagpuan ko ang kahulugan nito sa isang grupo na mga tao – ang mga taong mapangarap, karaniwang tinatawag sa ingles na dreamers.
Kapag iniisip ko ang mga ambisyosong tao, iniisip ko ang mga taong ito. Sila ang mga tao na umaasa na balang araw ang mga pangarap nila ay makakamit nila. Na ang mga daan patungo sa kanilang pangarap ay isa-isang magpapantay. Kailangan lang nilang magtiwala sa kanilang sariling kakayahan.
Ayon sa mga taong mapangarap, nanggagaling sa loob ang lakas. Hindi dahil sa pinanganak ka sa apelyidong makakatulong sa iyo.
Oo walang masama na ipanganak sa masalaping pamilya, pero wala din masama maging isang ordinaryong Juan. Nasa iyo lang kung paano mo ito dadalhin sa iyong paglaki.
Sa pamamagitan ng aking sariling mga karanasan sa pakikipaghalubilo sa mga ambisyosong tao (at pagiging isa din sa kanila) natuklasan ko na ang ambisyon ay maaaring maging sanhi ng stress at kalungkutan
Maaaring maging rason ito na makalimutan mo ang mga bagay na may malaking kahalagahan din sa iyong buhay.
Ang isang ambisyosong tao ay may kaugaliang makita lamang ang kanyang layunin, at anumang bagay na hindi makakatulong upang makamit ang pangarap ay kadalasang napapabayaan. Kaya minsan, ang pagkilala sa mga ambisyosong tao ay isa silang makasariling nilalang.
Kailangan lang maunawaan ng aking kagayang mga taong mapangarap, ay lahat ng tao sa mundo ay mayroong kanya-kanyang sariling pangarap. Walang taong gustong nasa ilalim habang-buhay. Matuto tayong rumespeto ng kanya-kanyang mga layunin sa buhay.
Imbes na maghilahan pababa. Bakit hindi tayo mag-bayanihan, hawak kamay sa pag-angat ng kapwa natin Pilipino – ang ating kapwa tao.