Buhay Ng Mahirap
by: Talumpati.info
Ang kahirapan ay isang landas na puwedeng tahakin o kaya ay iwasan. Hindi natin maikakaila na sa panahon ngayon ay lalong tumataas ang bilang ng mga naghihirap sa buhay.
Ito ay isinisisi sa mataas na presyo ng mga bilihin at ang kawalan ng tulong na dumarating mula sa pamahalaan.
Ngunit ang mga nabanggit lamang ba na dahilan ang tunay na dahilan kung bakit marami ang nasasadlak sa kahirapan? Kung inyong susurihing mabuti, napakarami ang dahilan kung bakit sadyang madami ang mga maralita sa ating lipunan.
Isa na rito ay ang kawalan ng tamang disposisyon sa buhay. Ang karamihan ay naniniwala na kapag ipinanganak silang mahirap, wala na silang magagawa upang mapaganda ang kanilang estado sa buhay. Mali ang ganitong uri ng paniniwala sa buhay.
Sa halip na panghinaan ng loob, bakit hindi gawing sandata at inspirasyon ang kahirapan. Hindi man natin makamit ang pinakamataas, ang mahalaga ay makaahon ng kahit konti at makaranas ng kaginhawaan sa buhay.
Ang pagiging tamad ay isa rin sa dahilan kung bakit laganap ang kahirapan. Marami ang naghihintay na lamang ng kanilang suwerte sa sugal o kaya ng tulong na darating sa kanila. Ang mabuhay ng maginhawa ay pinaghihirapan at pinagpapaguran.
Huwag nating iasa ang ikauunlad ng ating pamumuhay sa isang tao o maging sa pamahalaan. Responsibilidad natin na pagyamanin ang ating sariling buhay dahil sa huli ay tayo rin ang makikinabang dito kasama na ang ating mga kaanak.
Ang buhay na ating tinatahak mahirap man o maginhawa ay ating sariling desisyon. Tayo ang gumagawa ng ating sariling tadhana. Tayo rin ang pumili ng landas na ating tatahakin. Maraming kang paraan na magagawa kung ayaw mo ng kahirapan, at marami rin ang dahilan kung bakit ka naghihirap.
Ang daan patungo sa kahirapan ay sadyang napakalawak, habang ang daan patungo sa kaginhawaan ay ginawang makipot para sa lahat. Ang pagpili ng tamang daan ay nasa atin, nawa ay matunton natin tamang landas na tatahakin.