Walang Forever
by: Talumpati.info
Hindi talaga ako naniniwala sa forever. Hindi ako naniniwala dahil kung mayroon nito, bakit mayroong araw ng pagtatapos o graduation? Bakit kailangang magkahiwa-hiwalay pa kayo ng mga itinuring mong kaibigan at kasangga.
Wala talagang forever. Pero sa isang mas positibong konteksto, ang pagtatapos sa eskwela ay isang indikasyon din na lahat ng bagay ay hindi permanente, tulad ng paghihirap.
Sa oras kasi na suot mo na ang iyong toga at hawak mo na ang iyong diploma, hudyat ito na nagbunga na ang lahat ng sakripisyo at tiyaga.
Hindi madali ang mga pinagdaanan sa paaralan. Mula sa mahihirap na aralin, sa mga komplikadong requirements, maging ang aspektong pinansyal na kailangang bunuin ng isang magulang, ay talaga namang dapat paghirap at buhusan ng isang katutak ng pagtitiyaga.
Gayunman, kapag mas nanaig sa iyo ang kagustuhang matapos ang lahat ng ito, tiyak na hindi panghabambuhay ang paghihirap na matatamasa mo at ng iyong pamilya.
Kapag narating na ang sinasabing finish line sa landasin sa eskwela, oras na para tahakin ang mas malawak na mundo. Mas malawak na mundo ng oportunidad. Mas malawak na mundo ng tunggalian ng mga mayroon ding pangarap.
Tunggalian na kaya mong ipanalo kasi hindi mo ginusto ang forever sa buhay mo, hindi mo ginusto ang forever na paghihirap.
Walang forever. Walang forever na paghihirap sa taong may pangarap.