Kulang Sa Pansin
by: Talumpati.info
Sabi nila, pagbabago lamang ang permanenteng bagay dito sa mundo. Sa pagdaan ng panahon, unti-unting napapalitan ang mga nakasanayan at unti-unting napauunlad ang pamumuhay gamit ang agham at iba pang tuklas.
Ngunit kung may isang pagbabagong dapat nating pigilan, ito ay ang nagbabagong klima ng daigdig na bunga ng unti-unting pagkawasak ng kalikasan. Dahil sa patuloy na pag-abuso sa mga yaman ng mundo, nagkakaroon ito ng epekto sa panahon.
Nawawalan ng balanse ang daigdig dahil mas marami nang nakatirik na gusali sa kalupaan kaysa mga puno. Mas marami na ring basura ang lumulutang at nananahan sa mga karagatan at ilog.
Hirap na ring labanan ng sariwang hangin ang polusyong mula sa sa mga pabrika, sasakyan, at iba pang gawain ng tao.
Bunga ng mga ito at iba pa ang di na mapigil na pagbabago ng klima. Mas madalas at mahaba na ang panahon ng tagtuyot.
Mas malalakas at mapapaminsala na rin ang mga bagyo at ulan. Mas madalas na ring magngitngit ang alon sa dagat. Iba’t ibang sakit na rin ang nakukuha sa nalalanghap na hangin.
Tanging pagbabago lang din ang makapagpapabago sa nagbabagong klima. Kung kikilos ang bawat isa at bubuhayin ang disiplina, maisasalba pa at maibabalik ang dating ganda at sigla ng ating nag-iisang daigdig.
Huwag na nating hintayin pang umabot sa puntong ipakikita ng Inang Kalikasan ang kaniyang galit at singilin tayo sa ating mga pagkakasala sa ating kapaligiran. Kailangan tayo maging alerto sa kinalalagyan ng ating mundo. Pansinin natin ang kalikasan.