Sa Ilalim Ng La Mesa
by: Talumpati.info
Ang korapsyon ay ang ginagawang pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga taong ganid na nakaposisyon sa ating lipunan. Mistulang sakit na kanser kung ihahambing ang kalagayan ng korapsyon sa loob ng ating pamahalaan.
Mahirap na sugpuin ang korapsyon, dahil ang karamihan na sangkot dito ay mga tao na mayroong matataas na tungkulin at kapangyarihan sa bansa. Napakalakas ng kanilang loob na magnakaw dahil alam nila na hawak nila ang batas at kaya nila itong baluktutin.
Dahil sa talamak na korapsyon marami ang nasasakripisyo. Ang pera ng bayan na para sana sa kapakanan ng mga mamamayan ay unti-unting nauubos at napupunta na lamang sa bulsa ng mga ilang pulitiko at opisyal ng pamahalaan.
Bilang isang responsableng mamamayan, imulat natin ang ating mga mata sa katotohanan. Totoo na sadyang wala ng lunas ang korapsyon ngunit mayroon pang paraan upang ito ay mabawasan.
Sa paggamit ng ating karapatan sa pagboto, maging matalino at mapanuri tayo . Huwag nating pag-aksayahan na isulat sa ating mga balota ang pangalan ng mga pulitiko na mayroong bahid ng korapsyon sa kanilang pagkatao.
Umiwas tayo sa red tape. Huwag tayong makibahagi sa pagkukunsinti sa gawain ng mga opisyal na humihingi ng lagay o kotong kapalit ng kanilang mabilis na serbisyo sa taong bayan.
Maging matapang tayo na magsumbong kapag mayroon tayong nalalaman o kaya ay nakita na lantarang katiwalian sa sistema ng ating pamahalaan. Pera ng taong bayan ang kanilang ninanakaw, obligasyon natin na protektahan at ipaglaban ito.
Nang dahil sa korapsyon marami sa mga mamamayan ang nasasadlak sa hirap. Taong bayan ang ninakawan, kaya nararapat lamang na taong bayan din ang dapat na umusig sa mga nagkasala.
Makibahagi tayo sa pagsugpo ng korapsyon. Pilitin natin na manaig ang tama laban sa mali. Sikapin natin na huwag maging kasangkapan upang maisakatuparan ang salot na korapsyon sa ating inang bayan.